Thursday, October 29, 2009

Kabanata 65: Nasa Huli Ang Pagsisisi by RJ


“Todo cambia”

“Lahat ay nagbabago”


Makaraan ang ilang linggo, dumating na rin ang araw ng pagpasok ni Maria Clara sa kumbento. Marami ang naghatid sa kanya sa malalaking pintuan nito, kabilang na rito si Kapitan Tiago, Tiya Isabel, at walang iba kundi si Padre Damaso. Lahat sila'y naiiyak sa lungkot, ngunit may kakaibang mapagmamasdan kay Padre Damaso dahil mukhang siya ang labis na tinamaan ng pagmomongha ni Maria Clara. 

“Mag-iingat ka anak, tandaan mo ang lahat ng payo ng iyong ninong,” ani ni Padre Damaso kay Maria Clara sinabayan pa niya ng mahigpit na yakap at ng halik sa pisngi. Ngunit mistulang walang narinig ang dalaga at mabilisang pumasok sa kumbento na hindi man lamang nakakapagpaalam ni humalik sa kanyang ninong, tiya, at ama-amahan. 

Nang makapasok na si Maria Clara, may naramdamang masakit si Padre Damaso sa kanyang dibdib, at bigla na lang siyang tumumba sa lupa. Maraming tao ang nagulat at agad-agad na pumaligid at dinala siya sa pagamutan ng mabilisan. “MARIA CLARA! HUWAG!” ang malakas na sigaw ni Padre Damaso nang magising sa pagamutan. Mabilis namang pinuntahan si Padre Damaso ng mga nars at doktor dahil sa malakas niyang pagsigaw. “Padre, huwag po sana kayong magpadala sa emosyon ngayon dahil kayo'y hindi pa mabuti. Kailangan pa ninyong magpahinga at magpalakas para bumuti ang kundisyon ng inyong puso,” sabi ng doktor kay Padre Damaso. Siya nama'y nakinig at humiga na lang at nag-isip ukol kay Maria Clara.

Napag-isipan niya ang malungkot na buhay ni Maria Clara sa kumbento, ang mga mapangabusong pari na nananamantala sa kanya, at ang pag-iyak nito gabi-gabi. Napunta rin sa isipan niya ang mga kasalanang nagawa sa kapwa at naisip din niya na siya ang tunay na may sala at dahilan kung bakit napunta si Maria Clara sa kumbento. “Diyos ko po! Napakasakit ng parusa na ipinataw mo sa akin! Ganito po ba ang nararapat sa akin?” ang paulit-ulit na inisip ni Padre Damaso habang nakaratay. 

Noong gabing iyon, siya'y nanaginip. Napanaginipan niya ang mga kinatatakutan niyang mangyari kay Maria Clara, pati na rin ang kanyang kalupitan sa tao. At habang nakikita niya ang sariling nagpapahirap ng tao, may lumapit sa kanyang isang bata at sinabi na ang lahat ng pahirap na kanyang ginawa ay mapupunta sa kanyang nag-iisang mahal. Biglaang nagising si Padre Damaso, pawis na pawis at hindi na makatulog ulit dahil sa bangungot na naranasan. At sa sandaling iyon, nangako siya na magbabago. “Amang mapagpatawad, patawarin ninyo ako. Isinusumpa ko na ako'y magbabago at magiging mabuting tao, huwag lang ninyo pahirapan ang aking anak,” pabulong na sinabi ni Padre Damaso sa sarili. At buong gabi, siya'y nag-isip ng paraan para makabawi sa lahat ng kanyang kasalanang nagawa.

Nang makabalik na si Padre Damaso sa kanyang parokya, sinimulan na niya ang kanyang pagiging mabuting tao. Hindi na siya humihingi ng mga bayad para sa pamisa at hindi na rin nagpapabayad para sa indulhensiya dahil alam niya na walang bayad ang pagmamahal ng Diyos para sa ating lahat. Sinumulan na rin niyang makitungo sa mga indo, lalo na sa mga bata. Lagi siyang nakikipag laro at natuturuan niya rin sila kung may panahon siya. At hindi na nakarinig ang mga tao ng masamang nagawa ng padre mula noong araw na iyon dahil talagang napamahal na siya sa lahat ng tao na kasama sa kanyang parokya at napamahal na rin sila sa kanya. Natuto rin siyang mamuhay ng simple at hindi na siya kinatatakutan ng tao ngayon, samakatawid siya'y naging isa sa mga pinakakagalang-galang at iniidolong pari sa buong lalawigan. 






No comments:

Post a Comment