Wednesday, October 28, 2009

Kabanata 65- Dumating Mandin ang Liwanag ni Jaye Ling

http://repairstemcell.files.wordpress.com/2009/04/burning_heart-547982.jpeg

“hindi kailanman nasusunog ang puso”


Hindi napuno ang kalahati ng simbahan. Nanghihilakbot ang lahat at tila ayaw lumabas ng bahay. Sa kasaysaysayan ng buong San Diego, ngayon lang hindi napuno ang simbahan ng mga  namamanata. 


Linggo noon at kasasapit pa lamang din ng bukang-liwayway. Kadalasang mas nauuna pa ang mga namamanata sa pagbangon ng haring araw. Nag-aamok ang bagong kura sa taas ng pulpito at waring nagsesermon, habang walang kapaguran namang paulit-ulit na pinatunog ng bagong Sakristan Mayor ang kampana. 


Ito ang unang pagkakataon na makauupo sa unahan si Hermana Rufa, na hindi nabuwag ang pananampalataya kailanman. Dala niya ang isang maliit na pitaka, laman ang apatnapu at dalawang reyales na ipinadala sa kanya ng kanyang anak na nananahanan sa Maynila. Iaalay niya ang apatnapung reyales para sa ikapapanatag ng kaluluwa ng apatnapung nasawi sa engkwentro sa pagitan ng mga tulisan at mga Guwardiya Sibil. Para naman kay Tarsilo at kay Crisostomo ang dalawang reyales.


Sa 'di kalayuan, naupo si Kapitana Tinay at naghihintay. Katabi niya ang anak na si Antonio na namamarilong ang nguso, waring dinagukan ng mga sibil. 


Lumapit si Tinay kay Rufa, nag-uusisa. Umupo sa tabi ni Rufa si Tinay.

“Naiintindihan mo ba ang ipinuputok ng butse ng matandang iyan na nasa pulpito?” ani Tinay kay Rufang waring taimtim.

“Hindi ka ba kinikilabutan sa mga sinasabi mo? Mahiya ka nga! Iyan ang bagong kura! Lumuhod ka at halikan ang kanyang paa!” napopoot na turan ni Rufa.

“At ano'ng nangyari kay Padre Salvi? Nasaan na siya ngayon?”

“Sabi sa mga peryodiko, naghihintay na lamang siya na mapatungan ng mitra.”

“Peryodiko. PERYODIKO! Napukaw ng aking mata ang tungkol kay Don Crisostomo.”

“At ano? Kung ayaw mong maparatangang Filibustero, ikaw ay manahimik!”

“Paano na kaya ang kanyang yaman?”

“Shhhhhhh!”

“Paano na kaya ang kanyang paaralan?”

“Tahimik!”


“Paano na ang mga lupain ng mga Ibarra? O sayang! Sana ay binili ko bago siya mamatay!”
“wala ka talagang kadala-dala! Gusto mong dakipin muli ang isa sa inyo? Nadakip na nga si Antonio, hindi ba? Huwag mo nang ikalakal ang iyong puri para sa mga bagay na iniwan ng mga karapat-dapat na mamatay na mga subersibo at Filibustero!” ani Rufa na nagrurumintik sa galit. “Kung bakit hindi nadala ang San Diego sa iisang Ibarra gayung lahat ng Ibarra ay erehe at katunggali ng simbahan at pamahalaan? Hindi ba sapat na ginulo ni Rafael ang San Diego?” dagdag ni Rufa.

Napalingong bahagya ang kura na nasa pulpito at bahagyang narinig ang kanilang pag-uusap. 

****************************************************************************************************

Samantala, sa gubat, minamasdan ni Basilio ang kanyang Ina at ang mamang sugatan habang nilalamon ng apoy ang lupaypay nitong mga katawan. Naririnig ni Basilio ang awit ng ina habang nasusunog ang kaniyang katawan. Ito ay pahina nang pahina ang tinig, waring papalayo na ang ina kay Basilio. 


Upang hindi na masyadong umiyak, iniukol ni Basilio ang kanyang atensyon sa puno ng Balete. Naalala niya ang tagubilin sa kanya ng sugatang lalaki. Dinama niya ang pinakamalambot na bahagi ng lupa at saka ginamit ang magkabilang kamay upang salukin ang lupa na nagbabaon sa kayamanan ng mga Ibarra.


Sa likod ng mga ng mga malalagong puno, mayroong kumakaluskos. Paglabas sa liwanag ay naglalakad nang paika-ika, waring pilay at hindi pa kumakain. May pangangatog din sa kanyang mga labi at gula-gulanit ang suot. Siya ay si Crisostomo Ibarra.


Nilapitan ni Ibarra ang mga katawang nasusunog. Nagmadali siyang tila nabuhayan ng loob. Nakita niya ang matalik niyang kaibigan na nagligtas sa kanyang buhay. Natagpuan niya rin ang baliw na kanyang pinagamot sa Maynila.


Sa 'di kalayuan, hindi nakaligtas sa kanyang mga mata si Basilio na naghuhukay malapit sa puntod ng kanyang ingkong.


Hinablot ni Ibarra ang bata at saka ito binigwasan. 


“Ano ang ginawa mo sa kanila?? Ano ang ginagawa mo sa pera ko?”

Hindi umimik ang bata. Nagtulo ang kanyang uhog at luha. Hindi nagtagal at tumulo na rin ang dugo mula sa kanyang ulo. 'Di nagtagal ay nahabag si Ibarra. Unti-unti namang nahimatay si Basilio sa malakas na dagok.


Tinipon ni Ibarra ang kanyang yaman, at nang papaalis ay kinuha niya ang salakot na bahagyang sunog sa tabi ng abo ni Elias. Muli ay nakita niya ang kahabag-habag na bata na may dugo sa kanyang ulo. Kasama ng kanyang mga yaman, binuhat niya si Basilio at saka nilisan ang gubat.

No comments:

Post a Comment